Sa Kalumpit, May Malasakit

"I'm proud to be a Kalumpitenyo."

Mensahe


Napakayaman ng kasaysayan ng ating bayan, na maipagmamalaki nating lahat na mga Kalumpitenyo. Ang Kalumpit ang unang bayang natatag sa lalawigan ng Bulakan at pang-apat sa buong Pilipinas.  Pero bago pa man dumating ang mga Kastila, ang Kalumpit ay isa ng matatag na barangay sa pamumuno ni Gat Maitim. Taong 1572 nang unang makarating sa Kalumpit ang mga banyagang mananakop doon sa ilog pampang ng Meyto, subali't taong 1575 na nang ito ay kilalanin ng hari ng Espanya. Ang pangalang Kalumpit ay hinango sa punong Kalumpit, na noong mga panahong yaon ay mayabong na tumutubo sa harap ng simbahan ng Kalumpit.

Taong 1975 nang ipagdiwang ng bayan natin ang ika-400 taong pagkakatatag nito nang magtanghal ang mga kababayan natin sa Folk Arts Theatre/CCP complex.  Nasa mababang paaralan pa noon ang dalawa kong nakababatang kapatid, si Amado at Emmanuel nang makasama silang magtanghal doon bilang miembro ng Calumpit Rondalla. Ako naman ay isa sa miembro ng komite, bilang pangulo ng Kabataang Barangay ng ating bayan. Hindi ko makakalimutan ang araw na yaon dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinamalas ng mga Kalumpitenyo ang kanilang kakayahan sa sining ng pag-awit at pag-arte.  Malaki ang naibahagi ng munisipyo, simbahan at paaralan sa pagdiriwang na yaon, patunay lamang na ang mga Kalumpitenyo ay may pagkakaisa lalo na sa ganitong mga pagkakataon.

Marami ding magagandang kuwento tungkol sa bayan natin, mga kuwentong nagpatanyag sa lalawigan ng Bulakan bilang lalawigan ng mga bayani. Sa bayan natin ipinamalas nina Heneral Luna at Heneral Gregorio "Goyo" del Pilar (binansagan ng mga puti na "boy general") ang kanilang kagitingan at katapangan kaya natagurian silang dakilang bayani ng kanilang panahon. Sa nayon ng Caniogan ginapi ng mga ninuno natin ang mga mananakop na Kastila, sa makasaysayang Labanan sa Bagbag. Taong 1994 (ika-24 ng Abril) pa ang natatandaan kong huling pinagdiwang ang anibersaryo ng labanang ito, bago pa ako tumungo sa ibang bansa. Nanunungkulan pa ako noon bilang pinuno ng Panlalawigang Pagpaplano sa ilalim ng pamamahala ni dating Gov. Obet.  Sa tulong ng masipag at makabayang pinsan kong si Kuya Val (Galang) at mga mahal kong mga kanayon sa Caniogan ay nagdaos kami ng isang munting palatuntunan sa harap ng monumento ni Heneral Goyo del Pilar sa crossing.  Pagkatapos ay tumuloy kami sa makasaysayang tulay ng Bagbag at doon ay naghagis kami ng mga bulaklak sa ilog bilang pag-alaala sa mga ninuno nating nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan ng ating Inang Bayan.

Inaanyayahan ko po kayong lahat na makibahagi sa munting panulukang ito at kung mayroon man po kayong nais na iparating o ibahagi sa ating mga kababayan ay maaari po kayong sumulat sa akin sa oralcgatap@yahoo.com o di kaya sa Guestbook ng website na ito, ng anumang balita, pangungumusta, panawagan at mga patalastas ng mga darating na pagdiriwang, anibersaryo o gawaing civico. Ang website pong ito ay buong-pusong handog ko sa lahat ng aking mga kababayan, na sa Kalumpit ay patuloy na may malasakit.  Mabuhay po kayong lahat.

Ang inyo pong lingkod,

Claro S. Patag, Agosto 12, 2005 (updated 3/12/07)

P.S. Maraming salamat sa mga kababayan kong nakadalaw na sa pahinang ito at simula lamang ito ng ating muling pag-uugnayan. Para sa iba pang mahalagang kaalaman tungkol sa bayan ng Kalumpit, sundan lamang ang website na ito: http://en.wikipedia.org/wiki/Calumpit,_Bulacan